Bagay Tayo ni Jerry Gracio

Lyka Caguete
3 min readJul 4, 2021

--

Parte na ng kulturang Pilipino ang mga media’t komposisyon na may kinalaman sa romansa — teleserye man ito o mga tula’t sanaysaysay — basta kahit ano na nakapagbibigay ng kilig na kinababaliwan nating lahat. Hindi lang sa mga media na kinokonsumo natin naipapahiwatig ang hilig natin sa genre ng romansa, nasasalamin din ito sa paraan ng ating pamumuhay, maging sa mga kuwentuhan, o sa mismong layunin ng tao para mamuhay.

Ang Bagay Tayo ni Jerry Gracio ay koleksyon ng mga dagling
sanaysay tungkol sa kanyang buhay-pag-ibig at pananaw hinggil sa pag-ibig. Ang Love at First Sight, Kuwento, at Pitbull ay mga sanaysay na nagsilbing pasilip sa naging simula at buhay ng manunulat kasama ng kanyang kinakasama. Mahihinuha agad na ang layunin ng pagkukwento ay makapagkwento ng hindi lamang ang mga karanasan ng manunulat sa pag-ibig niya sa kanyang kinakasama, kung hindi pati na rin ang ipakilala ang kanyang kinakasama. Sa pamamagitan ng first person point of view, madaling naiparating ng manunulat ang kanyang mga personal na naramdaman at pinagdaanan sa mga mambabasa. Mas madaling nakakapit ang mga mambabasa sa kanyang mga kuwento, dahil mas makatao ang pakiramdam at hindi nakahiwalay ang mambabasa. Para bang ang mambabasa ay taong kinkukwewntuhan mismo ng manunulat. Kaparis nito ang pagkaka-structure ng mga sanaysay sa paraang pa-Flashback, na nakapagdaragdag ng esensya ng pagkapersonal ng kuwentong isinasalaysay. Makatotohanan din ang paggamit ng structure na Flashback dahil ang pinanggalingan ng kwento ay karanasan ng manunulat mismo. Dahil sa pagkapersonal ng mga kuwento, umayon dito ang subjective approach. Naiparamdam ng manunulat sa kanyang mga mambabasa ang kanyang naramdaman sa pagbubunyang ng katotohanan ng pinanggalingan ni Mong, sa tensyon sa pagitan ni Mong at ng kanyang kapatid at pamilya, at pati na rin sa mga naging alitan nina Mong at manunulat mismo.

Ang tono ng manunulat sa lahat ng mga sanaysay ay higit na magaan sa kalooban, at katulad din ng pagkakakilala niya sa kanyang sarili, ay magiliw ang persona. Kahit magaan sa pakiramdam ang pagkukwento ng manunulat sa naging buhay nila ni Mong, hindi niya kinaligtaang bigyan ng respeto at pagtutuon ng pansin ang mga hindi kaaya-ayang karanasan ni Mong bago sila magkakilala, at sa kasagsagan ng kanilang pagsasama.

Bagamat magkakaiba ang titulo ng mga sanaysay, tila ba isang tuloy-tuloy na kuwento lamang ito ng manunulat. Ang tatlong titulo ng Love at First Sight, Kuwento, at Pitbull ay mga nagsilbing pangungusap na naglarawan ng kanyang pagkahumaling sa kanya. Ang naunang sanaysay na Love at First Sight ay mayroong unang talatang nakakaintriga, dahil ang unang pangungusap ay sumasalungat sa titulo. Kalaunan naman ay nabigyan ito ng hustisya nang isinaad ng manunulat na Love at First kuwento ang nangyari sa kaniya. Ang buong kasagsagan ng kuwento ay nakaiintriga sapagkat hindi karaniwan ang ganoong uri ng pagkikita at pagsasama, ngunit nagawa pa rin nitong maipahiwatig ang nararamdaman ng lahat kapag kasama nila ang kanilang mga minamahal: kilig. Bagamat nakatutuwa at nakakikilig ang pag-ibig, hindi rin maiiwasan ang mga alitan. Sa pinakahuling sanaysay ay nabigyang pansin ang katotohanang ng mga paghihirap na kanilang kinaharap, sa mga kaibigan, sa pamilya, at maging sa isa’t isa. Ngunit ang kahulihang bahagi ng kuwento ay isang magandang pagtatapos sa pasilip sapagkat ipinakita nito na posibleng pagtagumpayan ang mga kinahaharap na hamon ng buhay, at ng buhay pag-ibig.

--

--